Nung isang araw, nung pauwi ako mula sa SM North EDSA, napabili kasi ako ng laptop ng bata, sumakay ako ng Grab car. At karaniwan, para pamatay buryo sa mabagal na traffic, nakikipagkwentuhan ako sa driver. Buhay pamilya, kumusta sa trabaho, may love life ka ba o wala. Nung malapit-lapit na sa bahay, nabanggit ni Kuya, “Nakakatuwang makipagkwentuhan habang nagraride, ano? Nasasabi natin yung gusto nating ikwento hanggang matapos ang byahe.” Sa dulo ng biyahe, karaniwan nasasabi ko “Kuys, salamat sa pagshare ng kwento mo sa akin ha.
Minsan pa nga, may show and tell.
May manong na nagpakita ng picture sa wallet niya, nakatoga ung babae sa lumang
picture – proud na proud siya na nasa Bangko Sentral na ang anak niya,
nagtatrabaho. Kaya napaisip ako – sa loob ng labinglimang minuto na pwede akong
magbahagi sa inyo, na parang maikling Grab ride mula UP Diliman papuntang
Trinoma kapag hindi rush hour, ano ang pwede kong ishare sa inyo?
Hindi ko malaman kung saan
magsisimula pero susubukan kong tahiin ang mga kwento.
Simulan natin sa pinaka-basic. Anak
ako ng isang masipag na taxi driver, hindi siya college graduate. Si nanay
naman ang siyang nakatapos ng kolehiyo – isang med tech. Magkatulong nila
kaming itinaguyod na magkakapatid. Sabi nga sa biruan noon, nagsimula lang daw
na eskinita ang noo ni tatay. Nung naging tatlo na kami, abay level up na sa Paliparan
ng eroplano. They tried all they can to provide the best educational opportunity
for us three. Noong fourth year high
school ako, nastroke ang tatay habang bumibyahe, buti nalang pauwi na sila noon
nina Nanay. Isa yun sa mga naging dahilan para ilagay ko bilang first choice na
kurso ang Occupational Therapy sa UP Manila– para makatulong kay Tatay. Sumunod
ang Veterinary Medicine dahil sa likas na hilig ko sa pag-aalaga ng hayop,
bagamat ayaw ni Nanay ito dahil sa Los Banos pa, mapapalayo ako sa pamilya. Sa awa ng Diyos, nakapasok ako sa UP sa aking
first choice na isang quota course. Pero sa unang sem palang, ramdam ko na na
hindi laan para sa akin ang daang tatahakin ko, kaya sa ikalawang semester ay
naghanda na ako sa paglipat. Geology o Library Science? Ung pag-iisip na
mapapalibutan ako ng libro at mga kwento ay pasok na sa banga. Tsaka simple
lang naman akong estudyante noon. Tahimik lang. Medyo di aprub noong una si
Nanay sa kinuha kong kurso noon dahil hindi niya pa ito masyadong alam. 2001
was among the years kung saan unti-unti palang na nakikilala ang Library
Science. Library Science? Ano yun? Ahhh, okay. Mga ganyang gaming na Q and A ang madalas kong sagutin kumpara ngayon. Noong ininterview ako ni Mam Faderon, malamang
nasabi ko rin, in one way or another, I love books. Pero that very interview,
noong nameet ko ang isa sa mga hinahangaan kong tao hanggang ngayon sa larangan
ng library science, I knew it sealed the deal. This is where I belong.
Isa sa mga di ko rin malilimutan ay
ang makaubos hiningang hagdan paakyat sa SLIS, sa Main Library. Matinding
cardio performance sa tuwing aakyat para sa mga klase, kapag kakain bababa ka
papuntang canteen o kaya sa Beach House (kung saan masarap kumain noon ng
barbecue) tapos aakyat ka ulit para sa susunod mong klase. Kapag malelate ka na
para sa susunod mong klase dagdag na calories burned dahil sa pagmamadali.
Maattribute ko ang pagiging fit and fab ng batch namin noon at kahit papaano’y maayos
kong creative shot noong pagraduate na ako dahil sa apat na taong staircase
training na ito. Kahit sino siguro sa mga prof ninyo ngayon sa SLIS would agree
to that.
At lahat tayo magkakaroon ng
kanya-kanyang kwento sa mga subjects natin sa LIS. Isa sa mga pinakaunang
subjects (malamang) na kukunin ninyo ay ang LIS 51. Nagkaroon kami ng
assignment noon na magdala ng bagay o simbolo na related sa library science.
Noong sumunod na klase, nagdala ako ng logo ng FILA shoes na ginupit ko mula sa
pares ng lumang sapatos. Nashook ang prof ko dito. Gusto ko nalang lumubog sa
silya na kinuupuan ko noon haha – IFLA pala, hindi FILA ang sinabi sa klase.
Kung sa online class pwede tayong mag-off cam saglit, haha, ito live and alive.
Isa ito sa mga di ko malilimutang epic fails na nagawa ko noong nasa kolehiyo pa
ko na wag na nating alalahanin dahil mahaba-habang ang listahan. Mga bagay na na
nakakahiya noon pero pinagtatawanan ko nalang ngayon. At kinukwento pa. Ayun, kahit
papano sumabit sa dulo na may bling-bling, cum laude po.
Sa bawat Librarian Licensure Exam
Review naman sa PATLS hindi nawawala ang kwento ko tungkol kay Nanay. Nadiagnose
po kasi siya na may cancer noong panahon na malapit na ang exams. Sa mga araw
mismo ng exam ang Philippine General Hospital ang nagsilbing hotel ko noon. Nabutasan
pa ng gulong si Tatay noong hinatid niya ako sa MLQU. Pagod ka na mentally,
emotionally drained pa. I think I was experiencing my first super lowest point
during this time. Isa lang naman ang
wish ko noon, gusto ko lang talagang pumasa. One take lang. Wala ng iba. Noong
nirelease ang results ng exam, binigyan ako ng cake pero di ko akalaing may
icing on top pa. Sa isip ko noon, kahit papaano naging masaya si Nanay.
Eventually, ayun, nagtake rin ako
ng MLIS. Gabi ang mga klase at sadyang nakakapagod ang biyahe mula Valenzuela
paQC at pauwi pabalik. Nakikipagbunuan para makasakay ng bus kaya minsan, o
madalas, feeling ko amoy mandirigma na ako pagdating ng bahay. Ilang taon din
bago dumating sa puntong nagiisip ako ng thesis topic. Hindi ko akalain na sa isa sa
mga simpleng pagpasok ko sa klase noon ang magiging susi para magkaroon ako ng
isusulat. Literal na pagpasok sa mga pintong dilaw noon sa SLIS kung saan
nakakita ako ng papel, isang ad, na may guhit ng isang bumbilya sa gitna. Sa
isip ko, may gumagamit pa ba ng bumbilya sa mga library? Kumusta ang kuryente? Kumakaway
rin ba ang Meralco? At mula doon, naisulat ko ang thesis ko tungkol sa library
sustainability at greening na hindi pa masyadong napag-uusapan noon. Kaya kung
sino mang org yun o estudyante during that time. Salamat at nakagraduate na
best thesis.
Bitbit kong lahat ng natutunan kong
ito sa trabaho bilang head librarian sa aming local na pamantasan hanggang sa personal kong buhay. Hahasain kayo sa maraming bagay ng bawat klase
na kukunin ninyo sa SLIS. Namulat ako sa blogging sa huling sem ko sa MLIS noon
– assignment na pinagawa sa amin sa klase ni Mam Sharon Esposo na isa sa mga
lodi sa larangan ng Library Science na sadyang hahangaan ninyo rin. Effort ito
para sa akin kasi wala pa namang maayos na internet connection sa amin sa
bahay. Noong mga panahong din yun sinimulan ko ang pagsusulat ko online
patungkol sa Valenzuela, bilang isang Valenzuelanong walang alam sa kanyang
siyudad. May isang dekada ang lumipas, kinilala ng lungsod ang blog na One
Valenzuela at pinarangalan po ng Gawad Dr. Pio Valenzuela para sa Social Media.
Ang nasabing award po ay siyang pinakamataas na iginagawad sa isang
Valenzuelano para sa kanyang ambag sa lungsod.
Magulo ba ang mga kwento ko? Doesn’t
makes sense po ano? Dahil ganun naman talaga ang kwentuhan sa Grab car – patsi-patsi.
Talun-talon hanggang makarating ka sa destinasyon mo.
Pero sa totoo lang, sa dulo lang
natin madudugtung-dugtong lahat kapag nadaanan mo na ang mga highlights at
lowlights ng adventure mo. Sa dulo mo lang malalaman at masasabi na, “Ay, kaya
pala”.
Kaya ung mga assignments at
projects ng mga prof ninyo? Gawin nyo lang ng maigi – madalas obvious kung
bakit pinagagawa, pero minsan hindi. Sa case ko, naging mas obvious lang siya
at tumatak higit sampung taon matapos kong makuha ang aking diploma.
Ung kwento tungkol sa bumbilya na
ad sa pinto na naging bright idea sa
thesis ko noon? Doon ko narealize na, ung mga simpleng bagay sa paligi natin,
sa buhay natin, ay nagtataglay ng halaga na di mo lubos akalain. Hindi lang
natin madalas napapansin.
Ung kwentong ospitel namin nina
Nanay ay mananatiling istorya ng pag-ibig at determinasyon. May mga pangyayari sa
buhay na di natin hawak pero dapat daanan. Palalakasin ka ng panahon na
inilagak mo sa UP, magtiwala ka lang.
Ung kwento ng FILA na IFLA pala? Ang
mga pagkakamali na gaya nito ay ebidensya na sinusubukan mo, hindi ka naggive-up.
Ang mga pagkakamali ay mayroong kapangyarihan para gawin kang mas maigi at mas
mabuting tao.
Ung staircase training paakyat ng
SLIS? Isa lang ang masasabi ko rito. Walang easy access na elevator para
mareach natin ang goals natin sa buhay. Kailangan nating umakyat ng hagdan. At
habang umaakyat ka ng hagdan, masayang may kasama. Chika-chika lang paakyat, di
ninyo pansin sablay time na.
At ung pagpasok ko bilang isang
estudyante noon sa SLIS? Pinakikita nito na ang buhay ay hindi isang diretsong
linya. Minsan kailangan mong lumiko pakanan o pakaliwa upang makita ang daang sadyang
para sa iyo.
You might sometimes feel lost at
some point during your travel. But do know that it will all make sense in the
end.
Kaya, dear freshies, enjoy the
ride until you reach the destination. Kwentuhan tayo ulit next time. Warm hugs
at welcome to UP SLIS.
No comments:
Post a Comment